Kinumpiska ng mga ahente ng Bureau of Customs ang P1.438 bilyong halaga ng e-cigarettes o vapes sa isang warehouse sa Valenzuela City nitong Huwebes.
Ang mga produkto nasamsam na pawang ilegal na inangkat ay kinabibilangan ng 1.4 milyong piraso ng 10 milliliter na disposable vape na may tatak na Flava at nakalagay sa may 14,000 kahon.
Ayon kay Customs Commissioner Bien Rubio ang halagang P1.428 bilyon ay batay sa presyo ng lahat ng nakumpiskang produkto na ibinebenta sa merkado sa halagang P500 kada piraso o kabuuang P700 milyon.
Kasama rin sa P1.428 bilyon ang katumbas na P728 milyong excise tax ng mga produkto batay sa P52 buwis kada 1 ml na vape.
Sinabi ni Customs Intelligence and Investigation Service Director Verne Enciso na nakatanggap sila ng tip noong Oktubre 24 na ginagamit ang nasabing warehouse sa pag-iimbak ng mga vape na hindi bayad ng tamang buwis.
Matapos maberipika na ilegal nga ang mga produkto roon, iniutos ni Rubio ang pagsalakay sa warehouse sa 18 Bagong Filipino Industrial Compound, M. Gregorio St., Barangay Canumay West.
Kasama sa mga sumalakay ang mga tauhan ng Enforcement and Security Service-Port of Manila, BOC Legal Service, at Northern Police District.
Inihain sa namamahala ng warehouse na kinilalang si Merrill Opena ang letter of authority mula kay Rubio na nag-uutos na ipakita ang pruweba ng pagbabayad ng buwis sa nasabing produkto at iba pang kaukulang papeles.
Bibigyan ng panahon ang may-ari ng warehouse na ipakita ang mga kaukulang dokumento.
Kung walang maipakitang dokumento, mahaharap sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act ang may-ari ng produkto at warehouse.