Iniulat ng mga otoridad na dalawang lalaki ang sugatan matapos umanong mabangga ng isang rumaragasang dump truck ang hilera ng tindahan sa Barangay Dalig sa Teresa Rizal.
Nakuha sa CCTV ng isang eskwelahan na tumama muna ang truck sa mga bakal sa tapat ng isang covered court bago ito bumangga sa mga tindahan.
Nahagip din ng truck ang isang 20-anyos na lalaki na tiyempong nakatayo sa gilid ng covered court.
“Nakita ko yung truck rumaragasa ang ingay na agad, dapat tutumbukin niyan yung elementary, tapos kumanan siya. Pagkanan niya, naragasa niya yung bakal ng covered court, may nakatambay sa covered court, nakaupo sa motor, inabot yun, talsik dito yung bata,” saad ng isang nakakita.
“Dirediretso pa rin siya sa tindahan, pagdiretso spark kaagad ang kuryente pati yung tubig. nadala niya poste ng kuryente kaya napaostop siya” dagdag nito.
Agad naman isinugod sa ospital ang lalaki, maging ang driver ng truck na parehong nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Ayon sa isa sa mga may-ari ng tindahan na si William Pedroso, tiyempong walang tao sa tindahan nang mangyari ang insidente pero nasira naman ang bago niyang bili na tricycle at iba pang mga gamit at mga paninda na kanyang hanapbuhay.
“Sinapul ng truck po dump truck may kargang lupa, nasira dalawang tindahan po. Isa po ay akin, isa sa pamangking ko po. Sira po ang aking ref, atsaka computer, xerox machine, at laptop,” ani Pedroso.
Nakipag-ugnayan naman ang kinatawan ng kumpanya kung saan nagtatrabaho ang truck driver at nangakong magbibigay ng tulong pinansyal sa lahat ng mga naapektuhan sa insidente.