Inihayag ng Department of Foreign Affairs na isang madre ang isa sa tatlong Pilipinong nananatili sa Gaza City, na patuloy binabayo ng airstrike ng Israel laban sa Hamas.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na aabot sa lampas 100 ang Pilipino sa Gaza Strip at may tatlo pa ang nasa Gaza City, kung saan tumatama ang counteroffensive ng Israel.
“Yung isa, madre…63 years old. Gusto niya maiwan doon daw,” saad ni De Vega.
Una nang sinabi ng DFA na mag-amang nasa ospital ang dalawa pang Pilipong naiwan sa Gaza City.
Hindi bababa sa 78 Pilipino ang nagsabing handa na silang iwan ang Gaza Strip oras na payagang makatawid ng border, ayon kay De Vega.
“Lagpas isang linggo na naghihintay sila kung kailan yung opening [ng border], saka may attack. Hindi pa sigurado na safe talaga sila, although sabi ng Israel naman, hindi naman ‘yun ang tinitira nila,” sabi ni De Vega.
Dalawang Pilipino naman sa Israel ang nawawala pa rin matapos ang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7. Pinangangambahang isa sa kanila ay na-hostage, ayon pa sa undersecretary.
Nasa 1,400 katao ang nasawi sa paglusob ng Hamas.
Kung matatandaan, higit 6,500 Palestinians naman ang namatay sa Gaza kasunod ng pangbobomba ng Israel bilang ganti sa pag-atake ng grupo.