Pagbabago ang palaging pangako ng mga kandidato sa halalan.
Ngayong panahon na naman ng kampanya para sa halalan sa barangay at sangguniang kabataan, maririnig muli ang pangako ng mga tumatakbong kapitan at kagawad sa barangay at SK. Nangangako sila ng pagbabago tulad ng pagbuti ng buhay ng mga mamamayan, mabilis na serbisyo publiko at ligtas na lipunan.
Paulit-ulit lang ang pangangako ng pagbabago. Ibig sabihin, hindi natupad ang ipinangako ng mga dating nahalal. Kaya pareho lang ang ipangangako ng kandidato sa bagong halalan: pagbabago pa rin.
Pagkatapos naman ng termino nila, ganoon din, wala silang nabago.
Sa ningas-kugon na likas ugali ng mga Pilipino, wala talagang magbabago kahit anong pangako. Naririyan pa rin ang krimen, basura, bisyo, kawalan ng trabaho, kakulangan sa edukasyon, mabagal na serbisyo publiko, pangungurakot at kung anu-ano pang salot.
Huwag na magtaka kung walang pagbabago. Ang pangakong pagbabago ay paraan lang ng kandidato o pulitiko na kumbinsihin ang mga botante na siya’y iboto. Ang pakay lamang nila ay makuha ang puwesto. Kapag nakaupo na, hindi na nila tutuparin ang pinangakong pagbabago.
Dahil kalakaran na ang napapakong pangako, manhid na rin ang mga tao sa sirang plakang kampanya ng mga kandidato. Bumoboto na lang sila dahil kakilala, kaibigan o kamag-anak nila ang kandidato. O dahil sila ay babayaran kapalit ng boto.
Kung ganito rin lang naman ang nangyayari, may saysay pa ang halalan?
Ang sirang plaka, kapag narinig, ay pinapatay. Panahon na para patayin na rin ang nakakarinding pangangako ng pagbabago. Kung wala rin lang maaasahan sa mga uupo sa pwesto, bakit pa tayo magbobotohan?
Kung may kandidato naman na talagang may nabago at nagbigay ng ginhawa sa mga mamamayan, siya lang ang may karapatan na mangako ng pagbabago.