Dalawang kandidato sa pagka-kagawad at isang tagasuporta ang namatay nang pagbabarilin sila ng di-kilalang kalalakihan habang nagkakabit ng campaign materials sa Cotabato City Lunes ng gabi.
Kinilala ng Cotabato City Police ang mga napaslang na sina Nur-Moqtadin K. Butucan, kandidato sa Barangay Rosary Heights 12; Alfar Singh Ayunan Pasawilan, kandidato sa Barangay Kalanganan 2; at Faizal Abas, taga-Barangay Kalanganan 2.
May dalawa namang iba pa ang nasugatan sa pamamaril, sina Saipul Sapalon at Fajeed Daud na parehong taga- Barangay Kalanganan 2.
Sa imbestigasyon, nangyari ang pamamaril alas-9 ng gabi sa Barangay Rosary Heights 12.
Nakuha sa pinangyarihan ng pamamaril ang isang M16 rifle, isang .45-caliber pistol at isang 9mm baril.
Isang dosenang tao ang inimbintahan sa presinto upang magbigay impormasyon tungkol sa insidente, ayon kay Col. Carmelo Mungkas, tagapagsalita ng CCP.
Sinabi rin ni Mungkas na kontrolado na ang sitwasyon at umaasa siyang hindi mauulit ang barilan.
Dahil sa pamamaril, sinuspindi ni Mayor Bruce Matabalao ang mga klase sa apat na paaralan malapit sa pinangyarihan ng pamamaslang para sa kaligtasan ng mga estudyante.
Nanawagan rin si Matabalao na huminahon ang mga residente.
Ang pamamaril ay ika-12 na karahasang may kinalaman sa halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Samantala, 500 pulis ang itinalaga sa iba-ibang lugar sa North Cotabato upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa halalan sa Oktubre 30.