Iniulat ng mga otoridad na isang 21 anyos na lalaki ang namatay matapos umano itong pagtulungang bugbugin ng hindi umano bababa sa 10 lalaki sa Tondo, Maynila noong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Randall Bonifacio at dahil sa kanyang pagkamatay, naghihinagpis ang ina niya.
“Karumal-dumal ang ginawa nila. Hindi deserve ng anak ko iyan, hindi niya deserve ang ganyang kamatayan, hindi ko po matanggap,” sabi ni Amelia, ina ng biktima.
Sa kuha ng CCTV, mapapanood na kinuyog ng isang grupo si Randall at sunod-sunod siyang pinagpapalo habang nakahandusay sa kalsada.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo at mukha ang biktima, na kalauna’y napag-alamang dahil sa paghampas ng malalaking tipak ng bato at hollow blocks.
Nagsimula umano ang gulo matapos masagi ni Randall ang isa sa mga suspek sa labas ng isang bar.
“Nanghingi na po ng pasensya mga kasama niya tapos pagpasok po sa bar, paglabas, marami na siya kasama, binanatan na po kuya ko,” kuwento naman ni Rafael, kapatid ng biktima.
Ayon naman kay Capt. Dennis Turla ng Manila Police District, may mga pangalan na silang hawak kaugnay sa nangyari at tiniyak rin nito na pananagutin ang lahat ng nasa likod ng krimen.
Palilipasin din muna umano ng pamilya Bonifacio ang Undas bago ihatid sa huling hantungan ang labi ng biktima.