May panawagan ang Chinita Princess Kim Chiu na naway maunawaan ng mga manunood na si Juliana, ang kanyang katauhan sa “Linlang,” ay trabaho niyang ginagampanan bilang aktres.
At lambing niya na ang madlang pipol, maunawaan at mapagtanto na iba sa totoong buhay si Kimberly Sue, malayong-malayo sa kaharutan at kapusukan ng kanyang ginagampanan bilang babaing tinuhog ang magkapatid na lalaki.
Kahit pa nga may ganiyang panawagan si Chiu, sa social media platform na X, hindi lang gigil, kundi poot at suklam ang mayorya kay Juliana. Sa husay ni Kim sa pagbibigay buhay sa kanyang katauhan, ang turing nga kay Juliana ay babaing makati pa sa gabi, babaing higad, babaing bubog at ito na nga, ang pambansang harot ng Pilipinas.
Dahil nga husay ni Chiu, kasama rin siempre ang di magpapakabog sa aktingang sina Paulo Avelino at JM de Guzman, bilang magkapatid na sina Victor at Alex na magkalabang mortal na dahil nga kay Juliana, ang “Linlang” ipinapahayag na everyone’s guilty pleasure na ito. Namamayagpag sa pinaka-unang pwestong panoorin sa Prime Video sa Pilipinas nating mahal, siempre pa.
Sumagitsit rin ang init nito bilang numero unong palatuntunan sa mga bansang Cambodia, Hong Kong, Qatar, Singapore at United Arab Emirates.
At isa ito sa pinakapaboritong pakatutukan sa mga bansang Bahrain, Albania, Papua New Guinea, Vietnam, Armenia, Canada, New Zealand, Kazakhstan, Tanzania, Australia at Iceland.
Naku, naku, naku, pang-world domination na ang alindog ng pambansang harot ng Pilipinas, huh!
Ang lalo pang nagpapa-igting sa Linlang siempre pa ay sina Ruby Ruiz, Heaven Peralejo at sina Kyla Estrada bilang bida/kontrabidang si Sylvia at Diamond Star Maricel Soriano bilang si Amelia Lualhati, na talaga namang sinagpang ang katauhan bilang ina na may mga anak na naging magkatunggali dahil sa isang babaing haliparot.
Ang lalo pang nagpapakapit sa mga manonood sa Linlang ay ang mabilis na paglalahad ng masalimuot nitong kwento, ang mga baguhang artista na pwede mong katuwaan dahil may binatbat naman sa pagganap o kabwisitan dahil walang katorya-torya at kwenta ang pag-arte, ang pamamaraan ni Victor na mailabas ang katotohanan at kung ang katotohanan bang ito ay kakayanin ng lahat ng mga katauhan, ang sidhi ng libog na naitatago sa pagmamahalan na siyang dahilan kaya itinatapon ang katwiran at konsensya at kung ano nga ba ang dapat isakripisyo, pakawalan, ipaghiganti at ipaglaban alang-alang sa pag-ibig.
Kay Kim Chiu, palakpakan na may kasamang sigawan ang dapat ibigay sa kanya. Tagumpay na tagumpay ang kanyang pagsusugal.
Kina Paulo Avelino at JM De Guzman, pinatutunayan niyo sa lahat na dalawa kayo sa pinaka-mahusay na tagawagayway ng bandila ng Pilipinas sa aspekto ng mahusay ng pagbibigay pusom kaluluwa at buhay sa inyong mga mapaghamong katauhan.
Marami pang kaabang-abang na kaganapan sa “Linlang” kaya tiyak, hindi pa tapos ang pagkasuklam natin sa nag-iisang pambansang harot ng Pilipinas, si Kim Chiu.
Ang gusto kong malaman, sino sa inyo aking Chika-Diva mambabasa ang nauunawaan at tanggap na si Juliana, ang tanging kasalanan lamang ay ang maghangad ng tunay na magmamahal? O kayo ba eh kasapi sa mga gustong buhukan at gurlisan ito?
Ay! May team Juliana versus team buhukan at gurlisan pala? Ang saya!