Minsan nang naging “the chosen one” ang Fil-British na Kapuso artist na si Kelly Day. Nangyari iyon nang itanghal siyang Miss Eco Philippines 2019 sa Miss World Philippines 2019 pageant.
Ngunit isang taon bago ang milestone na iyon sa kanyang buhay, hindi niya malilimutan na maging nag-iisang miyembro ng kanyang pamilya na dinapuan ng sakit na alopecia.
“Pero ang weird lang kasi sa family ko wala. Just me. I’m the chosen one,” pag-alala ni Kelly sa kanyang karamdaman sa panayam sa programang “Updated with Nelson Canlas” noong Oktubre 17.
Isang hindi malilimutang karanasa ni Kelly ang pagdanas ng alopecia noong Octobre 2018. Unti-unti siyang nalagasan ng buhok sa likod dahil sa stress.
Sumailalim ang 26-anyos na Sparkle star sa gamutan na micro-needling at kalaunan ay naka-recover rin siya sa alopecia na isang auto-immune disease.
Nakatulong rin sa panunumbalik ng kanyang kumpiyansa ang pagsama niya sa community ng mga dumaranas ng alopecia.
Naging adbokasya rin ni Kelly ang pagbibigay-alam sa karamdamang alopecia upang makatulong sa ibang mayroon nito.