Hinarang ng mga taga-Bureau of Immigration ang dalawang Amerikanong sex convict na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport nitong Huwebes and Biyernes.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga Amerikano na sina Blair Smith at Marlon Buniel na parehong 57 anyos.
Dumating si Smith sa NAIA Terminal 1 sakay ng eruplanong Philippine Airlines galing sa Los Angeles, California nitong Huwebes.
Mga registered sex offender sina Smith at Buniel at tinimbrehan na ng mga kinauukulan sa Amerika ang Pilipinas tungkol sa kanila. Alinsunod sa batas, agad na isinakay si Smith sa pabalik na flight ng PAL sa Los Angeles
Ayon kay Tansingco, si Smith ay na-convict noong 1986 at 2013. Sa huling kaso niya, ginahasa at binugbog pa niya ang kanyang biktima. Nakulong rin siya dahil sa pakikipagrelasyon sa isang menor de edad.
Sa una namang kaso ni Smith noong 1986, inabuso naman niya ang biktimang wala pang 18 anyos.
Samantala, si Buniel naman ay galing sa Honolulu, Hawaii, sakay rin ng PAL na eruplano. Siya ay na-convict sa Hawaii ng pagdukot at panggagahasa sa kanyang biktima.
Bukod sa pinabalik sa kani-kanilang pinanggalingan, ang dalawang RSO ay inilagay sa listahan ng mga undesirable aliens. Ibig sabihin ay habambuhay silang bawal pumunta sa bansa.