Mabenta pala ngayon ang aktres na si Jennica Garcia lalo na sa mga Koreans.
Nasimulan ang kuwentuhan nang humirit ng hugot ang aktres, “Sariling wika ay mahalin, pati ako idamay mo na rin” sa show na It’s Your Lucky Day at dahil doon ay natanong tuloy siya ng TV hosts na sina Luis Manzano at Robi Domingo sa update ng kanyang lovelife.
“Sa social media marami akong nakikita na si Jennica ay very talented, napakagandang binibini, napakabait, wala ba talaga diyan na nagpapatibok ng puso mo ngayon?” tanong ni Luis.
Bigla namang sumingit ang TV host-comedienne na si Melai Cantiveros na tila nagbigay pa ng clue sa mga lumalapit sa aktres.
“Basta ako, itatawag ko nalang sa pangalang Annyeonghaseyo,” pagbubunyag ni Melai.
Agad naman itong kinontra ni Jennica at sinabing, “Hindi! Ito naman masyadong maano…”
Sagot naman ni Melai, “Alam niyo grabe. Ayoko nalang magsalita. Pero grabe talaga ang pagme-message nila sa isa’t-isa.”
Tila hindi na nga nakapalag si Jennica sa nilantad ni Melai at napilitan na ngang ikwento ang sinasabing manliligaw ng aktres.
“Wala! Hindi ko kayang magsinungaling kaya i-explain ko,” tugon ni Jennica.
“‘Yung sinasabi niya [ni Melai], hindi natuloy. Sa Korea kasi medyo mabenta tayo,” saad ng aktres. “Nagulat ako kasi dati pumunta kami sa Poblacion tapos sabi ko, ‘hindi ako pinapansin ng mga AFAM.’ Parang sabi ko, nakakababa ito ng self-esteem. Kaya pagpunta ko sa Korea, nagulat ako, ‘Hala! Dito pala!’ Tapos may nakausap ako.”
Pero sa kasamaang palad ay inatrasan niya rin ang Koreano dahil hindi daw sila magkaintindihan.
“Kaya lang ang hirap kasi mag-English tapos kailangan ibabarok mo rin ‘yung English. Kaya sabi ko, ‘mukhang sa Pilipino nga hindi kami magkaintindihan, sa Koreano pa,’ kaya wala na talaga,” ani ni Jennica.
Kamakailan lang, inamin ni Jennica na kailangan na niyang mas maging “choosy” pagdating sa pagpili ng magiging karelasyon.
Ayon pa sa kanya, hindi lang basta partner ang kailangan niya, kundi isa ring kaibigan at katuwang sa pagpapamilya.