Nagdadalamhati ang pamilya ng nasawing Pilipina sa Israel na si Grace Prodigo-Cabrera na ikaapat na sa mga naitalang namatay na Pinoy sa pagpapatuloy ng kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas militants.
Ayon sa kapatid ng caregiver na si Mae Prodigo-Minierva, hindi nila matanggap na wala na ang kanilang kapatid habang ang ina nitong si Paterna ay halos hindi na umano makapagsalita.
Mismong ang Overseas Workers Welfare Administration at Philippine Embassy ang tumawag sa pamilya Prodigo para kumpirmahin na isa si Prodigo-Cabrera sa natagpuang patay sa labas ng Kibbutz Be’eri matapos mag-match ang kaniyang fingerprints sa passport.
Hiling ni Paterna na makita ang mga labi ni Grace kahit sa huling sandali.
“Kahit sandali gusto siyang makita ng mga kamag-anak niya,” sabi ng ina at ang hiling pa niya ay mapabilis sana ng gobyerno ang pag-uwi ng mga labi ng kaniyang anak at matulungan sila na maiproseso at makuha ang mga benepisyo nito sa Israel.
Isang bayani naman kung ituring ng bayan ng Maasin, Iloilo si Grace dahil sa tapang at sakripisyo nito nang ibuwis ang kanyang buhay para mailigtas ang kaniyang inaalagaang amo.
“We’re going to recognize her as hero ng bayan natin at maging inspirasyon din na ipakita ang totoong puso ng Pinoy,” saad ni Maasin mayor Francis Amboy.