Nagbabala ang Department of Health nitong Biyernes na tumataas na naman ang kaso ng trangkaso na tumatama umano sa mga kabataan ngayon.
Sinabi ni DoH spokesperson Undersecretary Eric Tayag na umabot sa 145,249 ang mga “flu-like cases” sa bansa mula Enero 1 hanggang katapusan ng Setyembre. Ito ay mas mataas sa 144,154 kaso ng dengue sa Pilipinas mula Enero hanggang Setyembre.
Dagdag niya, kalahati ng bilang ng nagkakatrangkaso ay mga batang wala pang 9 na taong gulang.
“Siguro marami na ring nakakarating sa inyo na maraming batang nagkakaroon ng trangkaso…Maaaring dumami pa ‘yan lalo na taglamig na. Trangkaso ay all year round na iyan,” saad ni Tayag.
Sinabi pa niya na nasa 4,000 kaso ng trangkaso kada linggo ang naitatala ng DoH noong Enero pero tumaas ito sa 5,000-6,000 kada linggo ngayong buwan.