Isang Pilipinang caregiver sa Jordan ang natagpuan umanong patay sa loob ng aparador at nakasilid pa sa isang diesel tanker sa basement ng bahay ng kanyang amo at ang itinuturong suspek ay ang menor de edad na anak umano ng katrabaho ng biktima.
Base sa mga paunang ulat, kinilala ang Pinay caregiver na si Mary Grace Santos, tubong Macabebe, Pampanga at ayon sa kapatid nito, walong taon nang nagtatrabaho sa Jordan ng kaniyang ate para matustusan ang dalawa nitong anak, kabilang ang isang may congenital heart disease.
Oktubre 11 nang makatanggap ang pamilya ng biktima ng impormasyo na nawawala umano ang biktima, kaya nakipag-ugnayan ang pamilya sa Overseas Workers Welfare Administration at doon na nila nalaman na nakita ang bangkay ng biktima sa aparador na nasa basement ng pinagtatabahuhan nito sa Jordan.
Batay umano sa police report sa Jordan, pinagsamantalahan at sinakal hanggang sa mamatay ang biktima.
Kuwento ng kapatid ng biktima, matagal na umanong may gusto sa kaniyang kapatid ang naturang suspek, na anak ng hardinero sa bahay at nang mangyari ang krimen, sinasabing hindi nakapasok sa trabaho ang tatay na hardinero at pansamantalang pumalit ang suspek kaya ito nasa bahay ng amo ng biktima.
Kinumpirma rin ng ilang kasama ng biktima na matagal na umano siyang kinukursonada ng 16-anyos na Egyptian na anak ng kanilang hardinero.
“Matapang si Grace, matapang, malakas. Pero siguro mas malakas yung pumatay sa kanya kaya hindi na niya nagawang ipaglaban ang sarili niya,” ayon sa ina niyang si Maria Lisa. “Kawawa siya. Every time na iniisip ko kung paano siga pinatay… bilang isang ina, talagang napakasakit.”
“Kahit sampung bitay, hindi kayang bayaran ang buhay ng anak ko. Kung nandyan lang ako sa Jordan, kung pwedeng ako ang pumatay sa kanya gagawin ko. Talagang galit na galit ako sa kanya,” patungkol niya sa suspek.
Single parent si Santos at naulila ang dalawang anak na babae.
“Yung isang anak niya na panganay, may congenital heart disease kaya nagpunta ng abroad si Grace… Nagtiyaga siya alang-alang sa mga anak niya, para maipagamot niya yung anak niya at sa pag-aaral ng mga anak niya,” sabi ng kaniyang ina.
Sa walong taon ni Santos sa Jordan, iisang beses lang itong nakauwi. Balak sana niyang surpresahin ang pamilya at umuwi muli sa Oktubre 24.
“Twelve days na lang po, kulang-kulang 2 weeks na lang makikita namin [dapat] siyang buhay. Ngayon, makikita namin siya, susunduin namin siya na nakalagay sa kahon na malamig na bangkay na,” sabi ng kapatid.
Apela ng pamilya, tulungan sila ng gobyerno na makamtam ang hustisya.
Nahuli na ang suspek, pero dahil menor de edad, maghihintay pa ng ilang taon bago nito harapin ang parusang bitay sa Jordan.
Tinulungan naman ng Pampanga Public Employment Service Office ang pamilya sa pagproseso ng ilang dokumento at nag-abot ng ayuda para sa mga naulila ni Santos.