Nagbabala nitong Huwebes ang Philippine Statistics Authority sa publiko laban sa mga indibidwal na umanoy naglilibot at nagpapakilalang mga tauhan nito kasunod nang natanggap na report ukol sa umano’y paglilibot ng ilang indibiwal na nagi-scan ng mga PhilSys ID.
Ayon sa PSA, hindi nito inotorisa ang pag-scan sa mga ID dahil sa tiyak na makukumpromiso ang seguridad at personal na datus ng mga may-ari ng naturang ID.
Paglilinaw pa ng PSA, hindi ito nagsasagawa ng anumang aktibidad o proyekto kung saan kinakailangang i-scan ang PhilID cards o iba pang uri ng data collection o verification.
Kasabay nito ay hinimok ng ahensiya ang publiko na agad isumbong sa pinakamalapit na PhilSys Registration Center ang mga nakikitang gumagawa ng ganitong modus.
Maaari ring umanong magtungo sa pinakamalapit na Fraud Management Division office nito.
May ibang ahensya rin ng pamahalaan ang nadadawit sa mga scam, gaya na lamang ng nangyari sa Koronadal City kung saan isang scammer na nagpapakilalang empleyado ng Department of Interior and Local Govrnment 12 at nangongolekta ng pera sa mga kukuha ng Civil Service Exam.
Naaresto sa isang entrapment operation ang suspek na si Kenneth H. Eliver at residente ng Purok Andam, Barangay Cinco, Banga, South Cotabato.
Isa sa mga biktima na si Mary Ann Membrere, residente ng Barangay Colongolo, Surallah, South Cotabato ang lumapit sa Provincial Intelligence Unit ng South Cotabato PPO upang mahuli sa entrapment operation si Eliver.
Nagkita ang suspek at biktima sa isang kainan sa Brgy. Zone 2, Koronadal City at doon nahuli sa akto ang suspek na tinatanggap ang Php 3,000 na pera mula sa biktima kapalit ng kanyang pangakong papasa agad ito sa Civil Service Exam.