Nagtungo sa Italya ang fact-finding mission ng Department of Migrant Workers para mag-imbestiga at magsampa ng demanda laban sa dalawang kumpanyang pag-aari ng mga Pilipino doon.
Ang isasagawang imbestigasyon ay may kaugnayan sa pagkakasangkot nila sa umano’y patong-patong na reklamo ng pamemeke at illegal recruitment.
Kung matatandaan, sunud-sunod ang pagdulog ng di-umano’y biktima ng inirereklamong Alpha Asssistenza at Golden Power at hindi bababa umano sa 200 ang bilang ng mga posibleng natangayan ng aabot sa P40 milyon.
Ayon sa mga Pilipinong nagreklamo, pinangakuan sila ng dalawang kumpanya na makakarating ang mga kaanak nila sa Italya kapalit ng pagbabayad ng malaking halaga pero nadiskubre nilang peke pala ang mga dokumentong ibinigay sa kanila.
Nauna namang itinanggi ng may-ari ng Alpha Assistenza ang anumang iligal na aktibidad at handa anila silang harapin ang reklamo.
Ayon kay DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, suportado ng DMW ang imbestigasyon na isinasagawa ng Philippine Consulate General sa Milan.
“Legal team ito, one Assistant Secretary and two Directors, lawyers to work with the PCG the Consulate General’s office in Milan and the Italian authorities kung paano natin una, mado-document, case build up and ultimately the filing of cases from the Italian side,” sabi ni Cacdac.
Umabot na sa mahigit 60 biktima ang naghahain ng reklamo sa Department of Justice laban sa mga may-ari at mga kinatawan ng dalawang illegal recruitment agencies.
Ayon sa Italian Embassy sa Pilipinas, nakikipagtulungan na ang mga awtoridad sa Maynila para mahanap ang mga nasasangkot sa recruitment scam.
“The Italian authorities are cooperating with yours in order to find the culprits and even bring them to justice as they deserve,” sabi ni Ambassador Marco Clemente, Italian Ambassador to the Philippines.
Nagbabala naman ang Philippine Consulate General sa Milan sa na huwag makipagtransaksyon sa mga indibidwal o mga ahensya na nag-aalok ng trabaho sa Italya para maiwasang maging biktima ng pandaraya at illegal recruitment.