Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs nitong Huwebes na apat na Pilipino na ang nasawi sa ginawang pagsalakay ng militanteng grupong Hamas sa Israel, bagama’t hindi na pinangalanan pa ang pinakahuling biktima sa kahilingan na rin ng pamilya nito.
“Out of respect for the wishes of the family, we shall be withholding details on the identity of the victim. But we have assured the family of the Government’s full support and assistance,” saad ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi naman ni DFA Undersecretary Ed de Vega na ang ika-apat na nasawing Pilipino sa Israel ay isang caregiver at isa umano siya sa tatlong Pinoy na iniulat na nawawala nang umatake ang Hamas noong Oktubre 7 mula sa Gaza.
Ang tatlo pang Pinoy na nasawi sa pag-atake ng Hamas ay sina Angeline Aguirre, isang nurse, at Paul Vincent Castelvi, isang caregiver, at Loreta Alacre, na caregiver din.
Nasa 30,000 Pinoy ang nagtatrabaho sa Israel na karamihan ay mga caregiver at nurse. Tinatayang 135 na Pilipino ang pinaniniwalaang naiipit sa Gaza Strip na kontrolado ng Hamas.
Nauna nang sinabi ni De Vega na may 70 haggang 80 Pinoy na nakapag-asawa ng Palestino ang humihingi ng tulong na mailikas sila.
Gayunman, wala pang magawa sa ngayon ang pamahalaan para makuha ang mga Pinoy sa Gaza dahil sarado pa rin ang Rafah border sa bahagi ng Egypt.
“We are hoping that corridor will be opened so that foreign nationals would be able to cross as soon as possible,” saad ni De Vega. “We are ready. Our embassy in Cairo is ready.”
Samantala, inaasahang makakatawid na sa border ng Egypt ang mga Pilipino sa Gaza na naiipit sa giyera sa pagitan ng pwersa ng Israel at militanteng Hamas sa loob ng 48 oras.
Sinabi ito ni De Vega matapos na kumpirmahin ni United States President Joe Biden na pumayag si Egyptian President Abdel Fattah al-Sisi na buksan ang kanilang border.
Ayon pa sa DFA official, nasa 80 Pilipino ang inaasahang makakalabas sa may Rafah Border Crossing na border sa pagitan ng Egypt at Gaza.
Dagdag pa ng opisyal na mayroong 135 Pilipino ang nag-aanatay sa border na mayroong 41 asawang Palestinian.
Subalit wala pa umanong garantiya na papayaan ang mga Palestinian na makatawid sa naturang border.