Dalawang batang magkapatid ang natagpuang patay matapos umanong gilitan ng kanilang inang nakita ring agaw-buhay sa loob ng kanilang bahay sa Magallanes, Cavite noong umaga ng Lunes.
Ayon sa imbestigasyon, isang kapitbahay ang nagpunta upang katagpuin ang ina ng mga bata dahil umano may naghahanap dito na kumuha sa kanya ng paluwagan sa Barangay Pacheco.
“Sinamahan ko sila doon sa bahay kasi nga kinakatok daw nila nang paulit-ulit, hindi daw sumasagot,” sabi ng kapitbahay.
Nadatnan umano ng kapitbahay na nakahandusay ang mga biktima at may mga sugat sa leeg. Agad umanong nakipag-ugnayan ang kapitbahay sa barangay.
Nasa trabaho noon ang padre de pamilya kaya hindi niya matanggap ang kalunos-lunos na sinapit ng kaniyang mag-iina.
“Talagang bigla akong nawalan ng lakas. Naninigas po ‘yong mga kamay ko saka hindi po ako makahinga,” sabi ng ama ng mga biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, may narekober na patalim na hawak ng ina ng mga biktima, na itinuturing na suspek sa krimen. May problema kasi umano ito sa utang.
Pero para sa ama ng mga biktima, hindi ito magagawa ng kaniyang asawa.
“Nakausap po noong naghatid, nagtanong daw po sila kung ano’ng nangyari. Nagsulat daw po siya na may pumasok daw po, naka-bonnet,” sabi pa ng ama.
Pero ayon kay Maj. Julius Marquez, hepe ng Magallanes police, walang indikasyon na nagkagulo sa bahay.
Isasailalim sa autopsy ang labi ng dalawang bata habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para mahanap ang salarin.