Isang Israeli diplomat ang himalang nakaligtas sa bingit ng kamatayan matapos siyang undayan ng saksak ng isang hindi pa natutukoy na salarin sa gilid ng daan sa Beijing, China.
Nangyari ang insidente matapos magdeklara ang militanteng grupong Hamas ng ‘day of rage’ laban sa mga Israeli sa buong mundo.
Base sa mga kuha ng CCTV, nakita ang salarin na may dalang patalim na inaatake ang biktimang Israeli diplomat sa gilid ng daan. Nakipagbuno ang biktima hanggang sa parehong silang humandusay sa semento.
Bagaman maraming nakasaksi sa insidente, walang makalapit para saklolohan ang biktima.
Kinalaunan, nakatayo at nakalayo biktima mula sa suspek pero makikita ang bakas ng dugo sa lugar at paika-ikang umalis naman ang suspek.
Nang dumating ang mga pulisya, kinausap nila ang duguang biktima na kinalaunan ay napahiga na sa semento.
Isang lalaki naman ang dumating at sumisigaw para sa ambulansiya.
Hindi malinaw sa mga report kung nakatawag ba ng ambulansiya ang mga pulis bago nila kinausap ang biktima.
Gayunman, inulat ng local media na ligtas at stable na ang kalagayan ng biktimang diplomat.
Patuoy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng suspek sa ginawang pag-atake sa biktima.
Hindi pa batid kung sino o ano ang nationality ng suspek.
Nangyari ang insidete matapos ang magdeklara ng Hamas militant group ng “day of rage” laban sa Israel na kanilang inatake noong nakaraang Linggo.
Kasunod ng pag-atake ng Hamas sa Israel na tinatayang mahigit 1,000 ang nasawi at may mga dinukot pa, gumanti na ang Israel at binomba ang Gaza kung saan nagkukuta ang Hamas group.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang Israel Foreign Ministry sa Chinese envoy sa Middle East dahil hindi raw kinondena ng Beijing ang ginagawang karahasan ng Hamas laban sa mga sibilyan.