Sinabi ng National Bureau of Investigation nitong Lunes na nakatada nitong magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y pagkamatay ng ilang mga bata sa komunidad ng Socorro na pinamumunuan ni Socorro Bayanihan Services Inc. president Jay Rence Quilario o Senior Aguila.
Ayon sa NBI, ang kanilang isasagawang imbestigasyon ay alinsunod na rin sa payo ni Senador Ronald dela Rosa na imbestigahan ang ilang sirkumstansya sa likod ng pagkamatay ng mga bata sa Sitio Kapihan.
Kung matatandaan, sinabi ng senador na bagamat hindi pa siya nakapagbibigay ng pormal na sulat sa NBI ay nagpaabot na ito ng inisyal na payo sa ahensya. Binisita ng senador ang naturang komunidad pati na ang lugar na nagsisilbing sementeryo ng mga miyembro ng SBSI.
Sinabi rin nito na ang umano’y ilegal na sementeryo ng naturang kulto ay nakatakdang pag usapan sa susunod na Senate hearings. Batay kasi sa report ng ilang mga miyembro ng SBSI, karamihan sa mga bangkay na nakalibing sa semeteryo ay mga bata.