Inihayag ni House Ways and Means Committee chairman at Albay Representative Joey Salceda na aabot umano sa P432 bilyon ang mawawalang kita sa buwis ng gobyerno kung tatagal ng limang taon ang suspensyon ng mga reclamation project sa bansa.
Kinumpirma ni Salceda ang pahayag sa isinagawang briefing ng kanyang komite kaugnay ng mga reclamation ng project sa bansa kung saan dumalo ang mga opisyal ng Philippine Reclamation Authority.
Ayon sa mambabatas, ang reclamation ay isang “standard practice” na ginawa ng malalaking siyudad sa mundo at inihalimbawa niya ang reklamasyon ng 20 porsyento ng Tokyo Bay na ginawa upang matugunan ang pangangailangan ng Tokyo Metropolitan Area.
Nasa 22 porsyento naman umano ng kabuuang land area ng Singapore ay reclaimed kung saan one-third ang inilaan sa socialized housing projects.
Ang 25 porsyento umano ng developed land ng Hong Kong ay reclaimed din at dito nakatira ang 27 porsyento ng populasyon ng naturang bansa at ang 70 porsyento ay ginamit para sa mga business activity.
Matatandaan na noong Agosto ay ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspindihin ang nasa 22 reclamation project, kabilang dito tatlong proyekto sa Manila Bay na nasimulan na.
Ipinunto ni Salceda na mayroong malaking ambag sa ekonomiya ng bansa ang mga reclamation project dahil bukod sa makokolektang buwis sa mga itatayong negosyo ay makalilikha rin ito ng dagdag na mapapasukang trabaho.
Dagdag niya, sumailalim na sa cumulative impact ang reclamation project kaya nakakapagtaka umano na sinuspendi pa ito.
Sa susunod na pagtalakay ng komite sa isyu ay iimbitahan na ang Department of Environment and Natural Resources-Environment Management Bureau.