Isang batang edad tatlong taong gulang ang natagpuang patay sa isang ilog matapos umano itong mahulog sa isang imburnal sa Caloocan City nitong Sabado.
Base sa mga paunang ulat, sinabi ng pulisya na na nahulog umano ang bata sa maliit na butas sa kalsada sa Barangay 176, Caloocan habang naliligo sa ulan pasado alas tres kahapon.
Ayon sa spot report ng mga magulang sa barangay, sinubukan ng mga kapatid ng bata na hilahin ito pero di raw kinaya sa lakas ng ulan.
Nakabantay naman daw ang ina, pero saglit siyang umuwi.
Gumamit ang MMDA ng camera para suyurin ang imburnal matapos higupin ang tubig sa kanal.
Biniyak din ang semento sa kalsada gamit ang backhoe.
Ang ama ng bata, tinanggap na ang posibilidad na bangkay nang matatagpuan ang kanyang anak dahil sa kipot ng imburnal.
“Tanggap ko na yung hindi ko makuha nang buhay, basta makuha ko,” sabi ng ama ng bata.
Natuldukan ang paghahanap bandang alas tres ng hapon ngayong araw nang makita sa ilog ang isang bangkay.
Kinumpirma ng mga magulang na anak nila ang nasa loob ng body bag sa ambulansya.