Inihayag ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes na kasama umanong tatalakayin sa pagbisita ni Pangulong President Ferdinand Marcos Jr. sa Saudi Arabia ang hindi pa rin nababayarang backwages ng mga overseas Filipino workers sa nasabing bansa.
Sinabi ni DFA Office of ASEAN Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu na kasama umano sa agenda ang mga naturang backwages ng mga OFW sa Saudi, pero hindi na siya nagbigay pa ng ibang detalye.
“I can’t give the details yet because these things are still under discussion. But it will be part of the bilateral meeting between Saudi Arabia and the Philippines,” sabi ni Espiritu.
Kung matatandaan, inihayag ng pamahalaan ng Saudi Arabia noong nakaraang Nobyembre na maglalaan sila ng 2 billion riyals para mabayaran ang backwages ng tinatayang nasa 10,000 OFWs na naapektuhan ng mga nagsarang kompanya dahil sa pagkabangkarote noong 2015 at 2016.
Kabilang dito ang mga kompanya ng Saudi Oger, MMG, at Bin Laden Group.
Inihayag din ng yumaong Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople na nangako umano ang Saudi Labor Secretary na reresolbahin na ang usapin para mabayaran ang mga OFW.
Ayon kay Espiritu, kasama rin sa tatalakayin ni Marcos sa pamahalaan ng KSA ang proteksiyon at iba pang usapin tungkol sa mga migranteng manggagawa.
Kamakailan lang, isang OFW na si Marjorette Garcia, ang nasawi sa KSA matapos saksakin umano ng kaniyang kapuwa kasambahay na taga-Africa.
Magtutungo sa KSA si Marcos sa October 19 at 20 para dumalo sa 2023 ASEAN-Gulf Cooperation Council Summit.