Malapit nang mapaligiran at masakop ng mga puwersang Ruso ang tatlong siyudad sa silangangang Ukraine na nilusob nila, ayon sa Pangulo ng Rusya na si Vladimir Putin.
Bumuti ang posisyon ng mga Ruso sa Avdiivka pati na sa mga siyudad ng Kupiansk at Zaporizhzhia dahil sa matinding pambobomba at pag-atake sa mga sundalong Ukraine, pahayag ni Putin sa isang programa sa telebisyon.
Ang pahayag niya ay nai-post sa social media kahapon.
Pinuri ni Putin ang mga sundalong Ruso sa paglaban sa mga nasabing siyudad.
Ayon sa kanya, bigo ang opensiba ng Ukraine dahil tinatalo sila ng mga Ruso.
Ayon naman sa Kyiv, patuloy ang kanilang depensa sa Avdiivka na 15 kilometro lamang ang layo sa Donetsk na nasakop ng Rusya.
Sinabi ni Pangulong Volodymyr Zelensky na nananatili sa posisyon ang kanilang mga sundalo at binibigo nila ang pag-abante ng mga Ruso.
Ngunit pinalilikas na ng mga tropang Ukraine ang may 1,600 sibilyan na nasa Avdiivka pa rin. Dating may 31,000 ang populasyon ng siyudad.