Sisimulan ngayong araw ang paglilikas ng Estados Unidos sa mga Amerikanong nasa Israel para sa kanilang kaligtasan.
Ayon sa embahada ng Amerika sa Israel, ang mga pamilyang Amerikano na kumpleto ang travel document ay isasakay sa barko sa Puerto ng Haifa at dadalhin sa Puerto ng Limassol, Cyprus. Doon ay ililipad naman sila sa bansang kanilang nais uwian, pahayag ng embahada sa isang babala na inilabas kahapon.
Lahat ng lilikas ay kailangang pumirma ng kasunduan na babayaran nila ang gastos ng pagbiyahe nila sa Cyprus at sa huling destinasyon, ayon sa embahada. Isang bagahe lamang ang maaaring dalhin ng bawat lilikas, dagdag pa nito.
May libu-libong Amerikano na may pasaporte ang naniirahan sa Israel.
Napag-alaman din ng Estados Unidos na may 29 Amerikano ang pinaslang ng mga teroristang Hamas na umatake sa Israel noong Oktubre 7.
May 15 namang Amerikano ang dinukot ng mga militanteng Hamas at itinatago sa Gaza bilang pananggalang sap ag-atake ng puwersang Israel sa teritoryong Palestino.
Handang lusubin ng mga tropang Israel ang Gaza upang iligtas ang mga bihag.
Samantala, nag-usap ang pangulo ng Amerika at Israel nitong Sabado para sa pagtulong sa mga sibilyang taga-Gaza na naiipit sa digmaan ng Hamas at Israel.
Magtutulong-tulong ang Estados Unidos, Israel, Egypt, Jordan at United Nations para sa pagdadala ng pagkain, tubig at gamot sa Gaza.