Namahagi ang mga opisyal ng Department of Agriculture-Central Luzon ang P3.3-milyong ayuda sa mga manukan sa Region 3 na nasalanta ng bird flu.
Isinagawa kamakailan sa Diosdado Macapagal Government Center ang pamamahagi ng indemnification payment sa mga may-ari ng manukan na tinamaan ng naturang sakit mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, ayon kay Agriculturist II Enrile Manio ng DA-CL Regulatory Division.
Ang pagbibigay ng nasabing perang ayuda ay alinsunod sa DA Administrative Order No. 37 series of 2020.
Sinabi ni Manio na ikatlong pamimigay ng ayuda sa mga magsasaka ng Rehiyon 3.
Nakapamigay na ang ahensya ng P21 milyong payout sa mga magmamanok o mag-iitik na tinamaan ng avian influenza noong unang kalahati ng taong 2022.
Namahagi rin ang DA ng P111 milyon sa ikalawang bahagi ng 2022 at P99.8 milyon rito ay para sa mga apektadong manukan sa Minalin at Sto. Tomas sa Pampanga.
Nagpasalamat si Alfredo Del Rosario na taga-Pilar, Bataan sa ayudang natanggap niya.
“Magagamit ko po ito bilang panimula muli sa aming pagkabuhayan na pag-aalaga ng itik. Maraming salamat sa DA kasi nandiyan po sila para tulungan kaming makabangon mula sa pinsala ng bird flu,” aniya.
Samantala, nanawagan ang DA sa mga magmamanok na ipagbigay-alam sa kanila ang mga namamatay na alaga dahil sa peste o virus upang mapigilan ang paglaganap ng sakit sa hayop.
Matinding naapektuhan ng bird flu ang mga nag-aalaga ng itik at pugo sa Bataan, Bulacan at Pampanga.