Naiuwi na sa bansa ang mga labi ni Marjorette Garcia na isang overseas Filipino worker sa Saudi Arabia at hindi akalin ng kanyang pamilya na sa ganitong tagpo ang muli nilang pagsasama-sama ng pamilya sa kanyang pag-uwi sa Barangay Awai, San Jacinto, Pangasinan.
Binigyan man ng hero’s welcome ang pagdating ng mga labi ni Garcia ay nanghihinayang ang kanyang pamilya dahil hindi na siya muling mayayakap ng mga ito.
Kung matatandaan, nasawi si Garcia nang pagsasaksakin umano siya ng suspect na umano ay dati rin niyang kasamahan na isang Kenyan dahil sa posibleng inggit noong September 27 nang ipabatid sa Overseas Workers Welfare Administration hinggil sa pagkamatay ni Garcia.
“Pinipilit po namin na mabigyan siya ng mahusay at marangal na pagsalubong kung yun po ay kahit papaano ay makakabawas, inspite of the pain that you are experiencing ang buong pamilya, kayo po ay nagbigay sa ating bansa ng isang tunay na OFW na pinararangalan nating bayani,” saad ni OWWA administrator Arnel Ignacio.
Kaagapay ng pamilya ni Garcia ang lokal na pamahalaan ng Pangasinan sa panawagan ng hustisya at katarungan para sa naiwang pamilya, kasabay ng pagluluksa sa pagkawala ng isang Pangasinenseng marangal na manggagawa sa ibang bansa.
“Ang hiling po namin ay makamit po ng pamilya ang hustisya, we have hundreds of thousands of our fellow Filipinos who are heroes, because without them bagsak na sana ang ating bansa, but they have save us ways that we can’t imagine,” saad ni Pangsinan Governor Ramon Guico III.
Tinitiyak naman ni Department of Migrant Workers OIC Hans Leo Cacdac na abot kamay na ang hustisya sa pagkamatay ni Garcia.
“Nasa prosecutor level na po ang kaso, ibig sabihin idinulog na sa korte, nasa korte na at hinihintay ang first hearing sa korte, meron na po tayong abugadong nakuha at pangako po namin sa inyo na magbibigay po kami ng sapat na ulat as the case goes along,” ani Cacdac.
Tinanggap rin ng pamilya mula sa OWWA at DMW ang mga karampatang benepisyo kasabay ng pagkakaloob rin sa pamilya ng lokal ng Pangasinan ng pinansyal na tulong upang makagaan sa dalahing bigat ng pamilya sa mga pagkakataong ito ng kanilang pagluluksa..
Buong pusong nagpasalamat naman ang naulilang pamilya sa tulong ng mga ahensya ng pamahalaan. Kasama sa naulila ni Garcia ang asawa at dalawang anak.