Matapos mabiktima ng mga hackers ang ilang websites ng mga ahensya ng pamahalaan, kinumpirma naman ng Kamara nan a-hack rin ang kanilang official website nitong Linggo at kasalukuyang hindi ma-access.
Sa isang pahayag, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na nagkaroon ng unauthorized access sa kanilang official website at tinutugunan na ang nasabing isyu.
Ayon pa kay Velasco, nakikipag-ugnayan na rin ang House of Representatives sa Department of Information and Communications Technology, Cybercrime Investigation and Coordinating Center at sa mga concerned law enforcement agencies para imbestigahan ang insidente.
Habang ibinabalik sa dati ang website, hiling nila sa publiko ang pasensiya at pag-intindi at giit ni Velasco, nakatuon sila at sisiguraduhin ang seguridad at integridad ng kanilang digital platform.
Dagdag pa ng opisyal, magpapatupad sila ng mga karagdagang hakbang upang maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap.
Paalala din ng Kamara sa publiko na maging maingat sa anumang kahina-hinalang email o komunikasyon na nagsasabi mula sa House of Representatives.
Kapag sinubukang i-access ang website ay may lumalabas na mensaheng “Na-hack ka” sa kaliwang bahagi ng landing page ng Kamara, www.congress.gov.ph, bago magtanghali, kasama ang troll face comic meme.
Lumalabas din ang mensahe na, “Happy April Fullz kahit October pa lang!”.
Isang 3MUSKETEERZ ang umako sa hacking.
Kung matatandaan, sinabi ng DICT na hindi magbabayad ng anumang ransom ang gobyerno, kaugnay ng insidente ng hacking na target ang Philippine Health Insurance Corporation PhilHealth.
Sinabi ni DICT Undersecretary Jeffrey Dy, na patakaran ng gobyerno na huwag magbayad ng anumang ransom para sa anumang uri ng kriminal na aktibidad, kabilang ang cyber-attacks.
Batay sa mga ulat, humingi ang Medusa ransomware group ng $300,000 mula sa gobyerno at nagbanta na ilalantad ang data kung tatanggi ang PhilHealth na magbayad.
Kinumpirma ni Dy na ang nakompromisong data ay nasa dark web na ngayon na isang bahagi ng world wide web na maa-access lamang gamit ang special software.
Sa katunayan, katulad ng anumang ransom demand, nag-post na umano ang grupo ng ilang mga leaks upang patunayan na sila ang mga hacker na numero uno, at mayroon nga silang data.
Gayunpaman, binigyang-diin ng DICT undersecretary na seryosong-seryoso ang grupo sa pag-hack ng ahensya.
Ito ay dahil ang mga hacker ay hindi lamang nakakuha ng access sa mga dokumento kundi nakompromiso din ang personal na pagkakakilanlan ng mga empleyado ng PhilHealth, kasama ang ilang panloob na memo na dapat ay confidential.