Binuwag ng National Bureau of Investigation sa Cebu City ang isang sindikatong gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng government ID.
Nahuli rin ng mga ahente ng NBI ang isang hinihinalang miyembro ng sindikato na ginagawa ang pagtitinda ng mga pekeng ID sa social media.
Minanmanan ng mga pulis ang kilos ng babaeng nag-aalok ng government ID bago nila ikinasa ang entrapment niya.
Isang taga-NBI ang nagpanggap na kukuha ng non-professional driver’s license sa kanya sa halagang P1,500.
Kinilala ang babae na si Gia Fernandez Genelaso, taga-Barangay Labangon, Cebu City.
Sinabi ni NBI Cebu agent-in-charge Arnel Pura sa Daily Tribune na siniguro ni Genelaso sa nagpapanggap na kliyente na maikukuha siya ng lisensya sa pagmamaneho nang hindi kukuha ng driving test at susunod sa mga qualification requirements ng Land Transportation Office.
Sinabi umano ng babae na hindi na kailangang tapusin ang walong oras na practical driving course sa isang accredited na driving school.
Sinabi rin niya na hindi na kailangang kumuha ng student driver’s permit para makakuha ng lisensya.
Nitong Oktubre 11, nagtungo si Genelaso sa Mandaue upang iabot ang lisensya at kunin ang bayad para dito. Doon na siya inaresto ng mga pulis.
Sinampahan siya ng mga kasong pamemeke ng pampublikong dokumento sa City Prosecutor’s Office ng Mandaue City.
Hinahanap na rin ng NBI ang tukoy nang mga kasabwat ni Genelaso sa pamemeke ng lisensya.
Nakuha ng pulis kay Genelaso ang mga pekeng lisensya at mga pekeng UMID card ng Government Service Insurance System, national ID, postal ID, Tax Identification Number ID, PhilHealth ID at Social Security System ID.
Nakuha rin kay Genelaso ang P1,600 na markadong perang ipinambayad sa kanya ng nagpanggap na kliyente at motorsiklong ginamit niya sa pagde-deliver ng mga pekeng ID.
Gawa ang mga pekeng ID sa Bulacan.