Ibinahagi na ng Malakanyang nitong Biyernes ang listahan ng mga regular at special non-working holidays para sa susunod na taon.
Nakasaad sa Proclamation 368 na may petsang October 11 at pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang mga petsa ng regular at special non-working holidays na idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pero may ilang nakapansin na wala umano ang People Power Anniversary sa listahan na ginugunita tuwing February 25.
Ayon naman sa Palasyo, papatak umano ang People Power Anniversary sa araw ng Linggo, February 25, 2024.
“There is a minimal socio-economic impact in declaring such day as a special non-working holiday since it coincides with the rest day for most workers/laborers,” ayon sa pahayag ng Palasyo.
Nilinaw din na ang Office of the President, “maintains the respect for the commemoration of the EDSA People Power Revolution.”
Ang EDSA People Power Revolution anniversary ay paggunita sa nangyaring mapayapang pag-aaklas noong 1986.
Samantala, hindi pa kasama sa listahan ang Islamic holidays gaya ng Eid’l Fitr at Eid’l Adha, dahil ibinabase ito sa Islamic calendar (Hijra) o lunar calendar, o maging sa Islamic astronomical calculations.
Inaatasan sa proklamasyon ang National Commission on Muslim Filipinos, na irekomenda sa Office of the President kung kailan itatakda ang Eid’l Fitr at Eid’l Adha holidays.