Iniulat ng Antipolo City Police nitong Huwebes na wala umanong kaugnayan ang ginawang pananampal umano ng isang guro sa pagkamatay ng Grade 5 student na si Francis Gumikib base na rin sa pagsusuri ng mga forensic experts.
Ayon sa Antipolo Police, ipinaliwanag na ng mga eksperto sa pamilya ni Gumikib ang resulta ng ginawang pagsusuri sa mga labi ng binatilyo at dahil umano dito ay hindi na kakasuhan ng homicide ang guro, pero ikinukonsidera naman ang pagsasampa ng child abuse dahil sa umano’y ginawang pananakit.
Kung matatandaan, sinabi ng PNP Forensic Group na isang rare condition ang dahilan kaya nagdugo ang utak ng binatilyo na dahil ng kaniyang pagpanaw.
Sa isinagawang otopsiya at histopathological examination sa mga labi ni Gumikib, lumabas na pamamaga at pagdurugo sa kaniyang utak.
Sa pulong balitaan, inihayag ng PNP-FG medicol legal officer na “intracerebral hemorrhage and edema” ang dahilan ng pagkamatay ni Gumikib.
“With regards to the layman’s term of the cause of death, intracerebral, cerebral edema is pamamaga po ng utak, and intracerebral hemorrhage is iyong pagdurugo po sa utak,” saad ni Police Lieutenant Colonel Maria Analiza dela Cruz, hepe ng PNP-FG medicolegal office sa Rizal.
“Ang nag-cause pong intracerebral hemorrhage o iyong pagdurugo sa utak ay iyong pamamaga po sa utak at ang naging cause naman po ng intracerebral hemorrhage is iyong titingnan po natin, kaya sinabi natin na non-traumatic ang nature noong pagputok ng ugat na iyon, is mostly it is a rare condition,” dagdag pa niya.