Isang lalaki na taimtim umanong nagdarasal sa loob ng isang simbahan sa Apalit, Pampanga ang nasawi matapos umano itong palakulin sa ulo ng isang kasama niya noong Linggo ng gabi.
Base sa paunang ulat mula sa Apalit Police, lumalabas na bago ang insidente ay dumalo ng pagsamba ang biktima at hindi nila alam na may nakatagong isang palakol sa bag ng 56-anyos na suspek.
Habang nagdarasal ang biktima ay bigla na lamang lumapit ang suspek at pinagpapalakol ang biktima sa ulo
“Itong isang miyembro nila allegedly during the investigation, ay may bumubulong daw sa kanya, na patayin niya yung isang kamiyembro… Ang problema, itong suspek natin, nakapasok siya sa church na may dala-dalang palakol na nakapasok doon, nakasilid doon sa bag, sa badminton bag, kaya hindi gaanong nahalata,” saad ni PLt. Col Michael Riego.
Hindi na nakuha pang makatakas ng suspek dahil hinarangan ito ng mga kasamahan sa pananampalataya.
Naitakbo pa sa Pampanga Premier Hospital ang biktima pero idineklarang patay ng attending physician.
Nakakulong na sa Apalit municipal police station ang suspek at nasampahan na ng kasong murder at paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa pagdadala ng patalim.