Ang pagtugon ng gobyerno sa mataas na presyo ng bigas ay maihahalintulad sa boksing. Sari-saring bira at tira ang pinakawalan ng pamahalaan upang pabagsakin ang kalaban, subalit tulad ng sinapit ng mga boksingerong Pilipino sa katatapos na Asian Games sa Hangzhou, China, na walang naiuwing gintong medalya, hindi umubra ang kaliwa’t kanang suntok upang mapababa ang P40 hanggang P62 kada kilong presyo ng bigas.
Sa unang round ng bakbakan, nilusob ng mga opisyal at pulis ang mga warehouse na hinihinalang pinagtataguan ng libu-libong sako ng bigas upang lumikha ng kakulangan sa merkado at tumaas ang presyo nito.
Bawal ang hoarding ng mga basic commodities dahil maituturing itong economic sabotage.
Sumunod na round naman, nangumpiska ng puslit na bigas ang mga taga-customs dahil kumukumpetensya ito sa local na bigas. Kalaban ng mga magsasaka ng bigas ang imported na bigas dahil nawawalan sila ng mamimili ng kanilang produkto at pinabababa ng ganitong angkat ang presyo ng lokal na bigas sa pagtatambak nito sa merkado.
Sa ikatlong round, nag-import naman ang gobyerno ng bigas dahil kulang ang ipinagbibili sa merkado.
Hindi pa rin natinag ang P40 kada kilong presyo ng bigas kaya sa ikaapat na round, nagbenta ang gobyerno ng murang bigas sa mga tindahang Kadiwa kung saan ang mga pagkain ay ipinagbibili ng mura, Ngunit hindi pa rin abot-kaya ang presyo ditong P38 kada kilo ng bigas.
Dumating ang ikalimang round, nagpasya ang gobyerno na maglaan ng bilyun-bilyong pisong pondo na mula sa kinitang pagtataripa ng mga angkat na bigas para sa benepisyo ng mga magsasaka ng bigas. Ngunit wala pang agarang katumbas ito na pagbaba sa presyo ng bigas.
Sa ikaanim na round, namahagi ang pamahalaan ng food stamp na magagamit ng mga mahihirap para sa pagbili ng murang pagkain, pati na bigas. Ngunit para sa iilan lamang ang food stamp.
May panlaban pa ang pamahalaan. Sa round 7, nagpatupad ang pamahalaan ng price cap sa mga nagtitinda ng bigas at binigyan na lamang sila ng ayudang P15,000 bilang tulong sa ikalulugi nila sa negosyo. Ang price ceiling ay umubra lamang sa pagpigil ng pagtaas sa P40 kada kilo ang halaga ng bigas at hindi ito pangmatagalang maipatutupad.
Pinakahuling banat ng pamahalaan ay ang pagpapatigil sa mga lokal na pamahalaan na maningil ng pass-through fees sa mga trak na nagbibiyahe ng mga kargamento na dumadaan sa iba-ibang lugar.
Inaasahan na sa pamamagitan nito ay mapapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin na binibyahe ng mga trak, pati na bigas dahil hindi maipapasa sa nagtitinda ng bigas ng mga taga-deliver nito ang siningil na kanilang pass-through fee ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Sa kahuli-hulihan, P40 kada kilo pa rin ang pinakamababang presyo ng bigas na mabibili sa palengke at mga supermarket. Knockout pa rin ang gobyerno at mga mamimili sa bagsik-presyo ng bigas.