Matinding hugot ang pinakawalan ng aktres na si Jennylyn Mercado kaugnay sa pagsabak sa TikTok ng kanyang asawang aktor na si Dennis Trillo.
Nitong nakaraan kasi ay nag-react si Jennylyn sa latest TikTok entry nga ni Dennis na ikinaaliw ng kanilang mga fans and social media followers.
Ibinahagi rin ng Kapuso actor sa kanyang Facebook account ang nasabing TikTok video kung saan ginawa kasi ni Dennis ang trend na “Bakit malungkot ang beshy ko?”
Game na game na ipinakita ng aktor na keri rin niyang gawin ang nasabing challenge kung saan tumambling-tambling siya at nag-split pa.
Sandamakmak na reaksyon mula sa mga netizens ang nakuha ng viral video ni Dennis at isa nga sa mga nagkomento diyan ay ang kanyang wifey na si Jennylyn.
“Hay naku, Dennis! Makakabasag ka na naman sa bahay,” ang simulang hirit ni Jen.
Dugtong pa niyang biro sa asawa habang tawa nang tawa, “Ang likot niyan talaga. Malikot ‘yang asawa ko na ‘yan. O, ano pang bago?”
Kung matatandaan, sa panayam ni Boy Abunda sa programang “Fast Talk”, inamin ni Dennis na matagal bago siya nakumbinsing gumawa ng mga TikTok video.
Mahiyain daw talaga sa tunay na buhay ang Kapuso actor na kabaligtaran naman sa mga ginagawa niyang content sa TikTok na bentang-benta sa mga netizens.
“Noong una medyo nahihiya pa rin ako. Tiningnan ko ‘yung trending, kung ano ‘yung puwede kong gayahin dahil para kang nagse-surf eh, ‘di ba? Kailangan makita mo ‘yung magagandang alon, magagandang waves na sasabayan mo,” sabi ni Dennis.
“Hindi naman ako sumasayaw saka hindi rin ako masyadong mahilig magpa-cute kaya ginagawa ko na lang ‘yung mga nakakatawang videos,” dagdag pa niya.