Aminado ang aktres na si Sanya Lopez na sa dami ng mga blessing na natatanggap niya ngayon sa kanyang buhay ay may puwang na rin siguro ang lovelife sa kabila nang umaalagwa niyang showbiz career.
Sa ngayon kasi ay naghahanda na ang dalaga para sa mga projects na gagawin niya sa GMA 7 sa pagpasok ng 2024 at talagang excited na siya bagama’t ayaw pa rin niyang magdetalye kaugnay sa mga gagawin niya.
“Basta nakaka-excite siya, sinabi na sa akin kung anong mga magaganap, napakaganda,” sabi ni Sanya.
Nang matanong naman kung ready na siya pumasok sa isang relationship, hindi naman nagdalawang-isip sa pagsagot ang dalaga.
“Sabi ko nga, kung masabay man during nagtatrabaho ka at may dumating na love life, why not naman? Pero sabi nga nila, since medyo ready-ready na tayo, pwede na tayong lumandi,” sabi ni Sanya.
Pero bago siya sumabak sa bagong project, balak ng dalaga na magbakasyon muna.
“Baka mag-Japan. I’ll try na mag-travel mag-isa pero kung may sumama, go, tara na!” saad ng dalaga.
Natanong din si Sanya tungkol sa muli niyang pagpirma ng exclusive contract sa GMA kamakailan.
“At first, hindi ko akalain na makakarating ako sa ganun kasi, siyempre, sa ilang years na nandito ako sa showbiz, ang dami kong pinagdaanan, May mga moments na gusto mo nang sumuko, pero ‘yung mga moments na gusto mo sumuko at hindi ka sumuko, ‘yung ‘yung naging way kung bakit nandito ako ngayon sa GMA, kung anong meron ako. Du’n kasi nakikita natin, ‘yung kontrata, hindi siya basta contract. It’s a loyalty na ibinigay mo, ibibigay mo, at patuloy mong ibinibigay para sa network,” sabi ni Sanya