Ilang lugar sa dalawang bayan sa Davao del Sur ang binaha nitong Martes dahil sa pagbuhos ng malalakas na ulan.
Ayon sa mga otoridad, ilang lugar sa mga bayan ng Magsaysay at Bansalan ang naapektuhan ng baha at ilang mga residente ang nagbahagi rin ng video ng pangyayari.
Rumagasa ang malakas na agos ng tubig sa mga ilog at dam sa Bansalan makalipas ang mahigit isang oras na pag-ulan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, apektado ng malakas na ulan at baha ang ilang barangay gaya ng Barangay Marber, Dolo, at Poblacion Dos.
Hindi rin madaanan ang Eman-Atlavista bridge at may mga inilikas na taong na-stranded.
Makalipas ang ilang oras ay unti-unti ring humupa ang tubig at nakauwi sa kanilang tahanan ang mga residente.
Samantala, ibinihagi ng residenteng si Nikki Constantino ang kuhang video nito sa bayan ng Magsaysay kung saan makikita na tila naging malapad na ilog na ang kalsada sa Barangay Balnate dahil sa baha.
Makikita rin sa video ang residenteng pilit itinatawid ang motorsiklo, na tinulungan naman ng pamangkin ni Constantino.
“Tinulungan din ng pamangkin ko ang lalaki. Tinali nila ang motor gamit ang lubid para hindi maanod ng baha. Ilang sandali rin ay dumating ang mga rescuer at tumulong sa mga na-stranded,” sabi ni Constantino.
Ayon naman sa Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office, ang malakas na ulan na naranasan ay dulot ng Trough of Low Pressure Area na umiiral sa Mindanao.