Inihayag ng Philippine National Police Forensic Group nitong Miyerkules na cerebral edema secondary to intracerebral hemorrhage o may pumutok na ugat at may pagdurugo sa utak ang naging sanhi umano ng pagkamatay ng estudyanteng sinampal umano ng kanyang guro sa Antipolo City nitong nakaraan.
Ayon kay PNP Forensic Group director Brig. Gen. Constancio Chinayog Jr., iyon ang naging findings sa isinagawang otopsiya sa labi ng Grade 5 student na si Francis Jay Gumikib.
Nitong nakaraan rin, nakumpirma sa otopsiya mayroon umanong tuberculosis ang estudyante.
“Sa lungs niya may nakita kami na pulmonary tuberculosis,” ayon kay Hector Sorra, Medico Legal Division chief ng PNP-Forensic Group.
Kung matatandaan, pumanaw si Gumikib ilang araw matapos na sampalin umano ng guro sa Peñafrancia Elementary School sa Rizal.
Sa kanilang death certificate, nakasaad na global brain edema at pagdurugo sa utak ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Naniniwala ang ina ni Gumikib na si Elena Minggoy, na may kinalaman ang pagsampal ng guro sa pagkamatay ng kaniyang anak. Gayunman, hindi raw niya alam na maysakit ang anak nang panahong iyon.
Aniya, nang isugod sa ospital, nakaranas ang kaniyang anak ng pananakit ng ulo, mata, taenga at pagsusuka.
Sumuko rin umano ng dugo ang bata habang nasa emergency room at doon na-diagnosed na mayroon siyang lung disease.