Mahigit 2,000 na ang bilang ng mga namatay at halos 10,000 ang mga nasaktan sa sunod-sunod na lindol na yumanig sa mga nayon sa Herat, Afghanistan nitong Sabado, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Mahigit 1,300 kabahayan ang gumuho dahil sa magnitude 6.3 na lindol na sinundan ng walong malalakas na aftershock.
Matinding napinsala ang mga nayon na 30 kilometro sa hilagang-kanluran ng siyudad ng Herat, ayon sa mga lokal opisyal.
Sa malayong distrito ng Zinda Jan ay naghuhukay ang mga rescuer upang makuha ang mga nadaganan.
Ang tagapagsalita ng ministro ng disaster management, si Mullah Janan Sayeq, ang nagsabing 2,053 at naitalang nasawi at 9,240 naman ang nasaktan mula sa 13 nayon.
Ang huling aftershock ay magnitude 4.2 na naramdaman kahapon ng umaga, ayon sa United States Geological Survey.