Isang babaeng transgender ang nagwagi sa Miss Portugal beauty pageant sa unang pagkakataon at tatangkain niyang masungkit ang korona sa Miss Universe na gaganapin sa El Salvador sa Nobyembre.
Ang magiging pambato ng Portugal sa timpalak ay si Marina Machete Reis, isang 28-taong-gulang na flight attendant. Siya ay kinoronahan bilang Miss Portugal 2023 sa Borba, rehiyong Evora nitong Huwebes.
Ipinagmalaki ni Reis ang kanyang panalo sa isang post niya sa X.
“Sa maraming taon ay hindi naging posible sa akin ang lumahok sa Miss Portugal and ngayong araw ay ipinagmamalaki ko na maging bahagi ng grupo ng mga finalist,” ayon sa kanyang post.
Hindi lang mga tunay na babae ang kakalabanin ni Reis sa Miss Universe na tatampukan rin ni Michelle Marquez Dee ng Pilipinas.
Ang kapwa niya transgender na si Rikkie Kolle ng Netherlands ay kanyang makakatunggali rin.
Si Kolle, 22, ang unang babaeng transgender na Dutch na nanalo ng titulo ng Miss Netherlands.
Ang pinakaunang transgender sa Miss Universe ay ang Espanyolang si Angela Ponce na lumahok sa 2018 edisyon ng beauty pageant.
Samantala, nagsimula na ang pagboto ng publiko sa mga contestant ng 72nd Miss Universe.
Upang makaboto, i-download lang ang Miss Universe app. Ang may pinakamaraming boto ay makakapasok sa semifinals.
Para sa boto kay Dee, ita-tap lang ang “delegates” sa app. Hanapin at i-tap ang “Miss Universe Philippines.” Makikita ang button na “VOTE FOR PHILIPPINES NOW” at ito ang ita-tap.
Libre ang unang boto at ang mga susunod ay may bayad na.