Ipinagbibili umano ang puwesto ng pagkaguro sa halagang P300,000 bawat isa sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang paratang ay iniimbestigahan na ng pamahalaan ng BARMM, sabi ni Education Minister Mohagher Iqbal kahapon.
Sinabi ni Iqbal na bumuo ng isang komite ang BARMM Ministry of Basic, Higher, and Technical Education upang imbestigahan ang alegasyon.
Bawal sa Islam ang nasabing pagbebenta ng posisyon, ayon kay Iqbal.
Nagbabala siya na ang sinumang opisyal o kawani na napatunayang sangkot sa nasabing anomalya ay didisiplinahin ng pamahalaan.
“Hindi namin kukunsintihin ang ganitong gawain,” aniya.
Hinikayat naman niya ang mga nagrereklamo o nagsumbong na magbigay ng ebidensya para masuportahan ang kanilang mga paratang.