Nagbabala ang Department of Education sa publiko na mag-ingat sa mga nag-aalok ng utang para makabili ng sasakyan.
Sumunod ito ng pagsasampa ng 29 kaso o reklamo laban sa isang pautang sa kotse sa Pampanga.
Nilarawan ng DepEd ang nasabing scam. Ayon sa ahensya, pinag-a-apply ang mga guro ng loan kapalit ang downpayment sa kotse at pangakong kita sa pagpapaupa ng sasakyan sa isang transport service network.
Ngunit lingid sa kaalaman ng uutang, may koneksyon ang nagpautang sa mga nagtitinda ng sasakyan at empleyado ng mga bangko na siyang nag-a-approve sa loan.
Kapag naibigay na ang kotse sa umutang, bibitawan na sila ng nagpautang at mahihirapan na ang mga ito na hulugan ito.
Nakipag-ugnayan na ang DepEd sa mga pulis upang maaresto ang mga nasa likod ng nasabing scam.
Magsasagawa rin ang ahensya ng counseling sa mga nabiktima.
Pinaalalahanan ng DepEd ang mga guro at empleyado ng mga paaralan na maging mapanuri sa mga financial scam.