Ang utang ay dapat bayaran. Yan ang aral para sa tatlong Pakistani na naaresto dahil sa pag-overstay.
Iniulat ng Bureau of Immigration na kanilang hinuli si Faizan Muhammed, 34, sa Purok Durian, Barangay Pinig Libano, Dumalinao, Zamboanga del Sur nitong ika-3 ng Oktubre matapos siyang ireklamo ng isang Pinay na inutangan niya ng mga paninda ngunit isang taong nang hindi nagbabayad.
Ang masama pa nito, binantaan ni Muhammad ang naniningil na babae na ipapapatay siya sa kilala nilang grupo ng mga terorista.
Kaya naman nagsumbong na ang babae sa mga kinauukulan.
Kasabay na inireklamo ng biktima ng pagbabanta ang isa pang Pakistani na si Ali Wahab, 36, dahil sa pangha-harass nila sa kanyang pamilya.
Nakumpirma ng BI ang status ng dalawang banyaga kaya agad na nagpalabas si Commissioner Norman Tansingco ng order na arestuhin sila.
Hindi makapagpakita ng pasaporte si Muhammad nang siya ay hulihin.
Ang ipinakita niya at national ID na lalong ikinapagtaka ng mga pulis.
Si Wahab naman ay natunton at naaresto sa Barangay Banago, Balabagan, Lanao del Sur.
Doon ay natiyempuhan ng mga pulis at taga-BI ang kasama niyang Pakistani rin na si Ajmal Ali, 35.
Parehong overstaying rin ang dalawa at walang mga dokumento.
Bukod rito, si Ali ay umano’y taga-supply ng materyales para sa isang extremist group sa gitnang Mindanao.
Nagpakita ng driver’s license si Ali ngunit wala siyang maipakitang travel documents.
Nahaharap ngayon ang tatlong Pakistani sa salang paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.