Hinamon ng Daily Tribune si Philippine Consul General to Milan Elmer Cato na ilabas ang mga naging usapan niya at ng writer ng pahayagan na si Allan Hernandez upang malaman kung sino ang nagsasabi ng katotohanan sa isyu ng Alpha Assistenza SRL scam.
Noong Huwebes ay naglabas ng pahayag ang konsulada na diumano ay hindi hiningi ng Tribune ang side nito kaugnay ng mga akusasyon ng mga Pinoy sa Italy na inuupuan ni Cato ang kaso ng Alpha Assistenza.
Sa buwelta ni Hernandez, sinabi niyang noong 22 September pa nagsimula ang paulit-ulit na paghingi nila ng Usapang OFW ng mensahe mula kay Cato. Aniya, puro “off the record” ang naging sagot ni Cato sa text, personal message at maging sa phone calls.
Ayon sa national daily na may motto na “Without Fear, Without Favor,” kung totoo ang sinasabi ng konsulada ay mag-iisyu si Cato ng “release” sa mga naging usapan niya sa hosts ng Usapang OFW.
Ito ay matapos ibulgar ng mga Pilipino sa Italy ang pagiging “close” ni Cato kina Alpha Assistenza co-CEOs Kriselle Respicio at Frederick Dutaro. Anila, nagbigay pa ng malaking halaga ang Alpha Assistenza sa konsulada sa okasyon ng Independence Day celebration nito noong June 18, 2023.
Noong Martes ay naglabas ng resolusyon si Senator Raffy Tulfo para isalang ang mga opisyal ng Alpha Assistenza at konsulada sa isang congressional investigation sa scam.
Ayon sa tinaguriang Alpha 400, ang 200 job seekers sa Pilipinas at tinatayang 200 Pinoy sponsors nila sa Italy, mula 3,000 hanggang 5,000 euro ang nagantso sa kanila ng Alpha.
Anang TRIBUNE, mas marapat na magbigay si Cato ng sinumpaang salaysay sa harap ng Senado, lalo pa’t sinasabi diumano ni Respicio na “tatay-tatayan” niya ang opisyal.
Idinagdag ng pahayagan na ang reklamo ng mga “biktima” ng Alpha Assistenza ay nagmula noong lumabas si Cato sa September 7 show ng Usapang OFW kung saan binanggit niya ang problema ng illegal recruitment sa Italy.
Sa mga naglutangan na complainants, sinabi nila na “lip service” lang ang ginawa ni Cato dahil ang totoo ay wala itong ginagawa upang isulong ang reklamo nila.
Sa ilang video at mga larawan ay makikita si Cato kasama sina Respicio at Dutaro, kabilang ang isang litrato kung saan ay nakayapos pa ang babae sa opisyal.