Maswerteng may imbitasyon para mapanood ang ilang mga patikim na eksena sa “In His Mother’s Eyes,” isa sa mga finished film na isinumite para sa taunang Metro Manila Film Festival na ginaganap tuwing Disyembre.
Ang mga pangunahing bida rito, ang isa sa huling reyna ng pelikulang Pilipino, ang tinaguriang Diamond Star Maricel Soriano, ang nagbabalik pelikula, ang versatile na si Roderick Paulate at ang baguhang si LA Santos.
Nung personal naming nakapanayam si Kuya Dick, ang chika nito: “Naku! Ang daming drama ng pelikula namin ni Mary. Ibang-iba ito sa mga comedy movie na pinagsamahan namin dati. Ang salbahe ko sa character niya. Pag break nga namin, lagi niyang sinabi na sumusobra na ang kasalbahihan ko sa kanya.”
Tinanggap ni Paulate ang pelikula kasi: “Of course, malaking konsiderasyon na I am working with Maricel. Alam mo naman na best friend for real ko si Marya. Saka yung role ko kasi rito, iba ang challenge na ibinigay sa akin. Ang sure ako, maiinis, matutuwa at mauunawaan niyo siya bakit ganun siya kay Maricel.”
Sa maikling patikim tungkol sa pelikula, lumitaw na magkapatid ang mga katauhan nina La Soriano at Kuya Dick. At sa totoo lang, maigting na maigting ang kanilang aktingan. Kay huhusay! Palaban na palaban! Yung isang confrontation scene nila kung saan inis na inis si Roderick dahil sa pagkakamali ng Diamond Star, at sinabihan niya itong wag ngumangal ng malakas, kasi ayaw ng katauhan ni LA Santos na may malakas umiyak, at yung agarang pagpipigil ni Maricel sa pag-utangal niya, palakpakan na may kasamang sigawan para sa dalawang acting icons na ito. Super deserving na ang makakatotohanan nilang pag ganap ay mas marami ang makapanood para mas lalong marami ang makikita at maranasan na wala pa ring kupas, at habang tumatagal, lalong gumagaling sina Paulate at Maricel.
Ang isa pang malaking rebelasyon sa mga patikim, ang baguhang si Santos! Clap! Clap! Clap! At more slow clap para sa binatang ito na ang katauhan sa pelikula ay may intellectual disability. Best new actor ang pag ganap ni LA, sa totoo lang.
Marami ang umaasa na ang pelikula ni Maricel Soriano, pati na rin ang pelikula nina Nora Aunor at Vilma Santos, na may finished film submissions rin eh mapili. Ang saya-saya tiyak na huling apat na reyna ng pelikulang Pilipino, may bardagulan na sa box-office may kabugan pa sa best actress.
Siguradong maraming magiging mausisa at mararahuyong panoorin ang pelikula ng apat na reyna.
Ang panalong katototahanan na naiuwi ko sa maikling patikim ng “In His Mother’s Eyes” ay kadakilaan ng pagmamahal ng nanay para sa kanyang anak. Na ang nanay, gagawin ang lahat para mabigyan ang kanyang anak ng pinaka-mainam at maayos na buhay. Na may mga nagiging nanay na ang kasarian ay hindi babae, pero ang pagmamahal sa tinuring na anak ay buong-buo at tunay na tunay.
Ngayon pa lang, Maricel Soriano, Roderick Paulate at LA Santos, mahusay kayo. Mabuhay kayo! At susugod talaga ang lahat sa mga sinehan para suportahan at mahalin ang “In His Mother’s Eyes.”