Hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang pagsulong ng aktres na si Bianca Umali sa kanyang adbokasiya hinggil sa breast cancer awareness at naglalaan talaga ng oras ang dalaga upang matulungan at masuportahan ang mga grupong involved sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa sakit na cancer.
“I am so happy and so passionate to be part of this advocacy which is breast cancer awareness because I lost my mom to breast cancer when I was five,” saad ni Bianca sa isang panayam.
Kung matatandaan, 2017 nang magsimulang maging aktibo ang aktres at GF ni Ruru Madrid sa naturang advocacy kung saan katuwang din niya ang mga kapatid na babae sa pagpapakalat ng awareness tungkol sa cancer.
Samantala, kinumpirma na ni Bianca ang tungkol sa bago niyang proyekto sa GMA 7 na siguradong ikakagugulat daw ng kanyang mga fans at social media followers.
“Actually, kating-kati na ako dito na maipalabas. Kung puwede lang, kung puwede lang na magkaroon na ng official announcement,” sabi ng dalaga at dagdag niya, magsisimula na raw silang mag-taping this month at patuloy pa rin ang kanyang “never-ending training” para sa bago niyang project.
“Sobrang demanding niya, I think on a level that I am treating it as if I am training for a Marvel movie. Ganu’n siguro,” saad ni Bianca.
Sa nasabi ring panayam ay naibahagi rin ni Bianca ang tungkol sa bago niyang horror movie na “Mananambal” kasama ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.
“No words, every time na I’m in a scene or on the set with her, I just watch her. Wala ka pong ibang gagawin e, wala kang ibang sasabihin kundi panoorin lang siya because national artist natin ‘yun, she’s in front of me, ka-eksena ko siya, I mean who doesn’t dream of working with her,” sabi ni Bianca.