Inanunsyo ng South Korean government nitong Huwebes na pinag-aaralan na nitong kumuha nang mas maraming Filipino caregivers.
Sinabi ni South Korean Ambassador to the Philippines Lee Sang-Hwa na nakipagpulong ito sa DMW at DFA dahil interesado ito na magpadala pa ng mga Filipino caregiver sa Korea.
Dagdag pa niya, ang mga Filipino caregiver ay may mataas na reputasyon sa buong mundo at mahusay na nakikipagtulungan sa pagitan ng dalawang mga bansa sa sektor ng pangkalusugan.
Ang South Korea ay tahanan ng 60,000 overseas Filipino workers at giit ng ambassador, inaasahang darating sa South Korea ang 100 Filipino caregivers bago matapos ang taon.
Matatandaan na noong Enero, hinihimok ng mga operator ng nursing facility ang gobyerno ng Korea na kumuha ng mga dayuhan dahil sa kakulangan ng mga lokal na tagapag-alaga sa kanilang mga ospital.
Noong nakaraang buwan, sinabi ng South Korea na plano nitong palawigin ang kanilang Employment Permit System nito para sa skilled workers na inaasahang makakatulong sa libu-libong OFW.
Sa ilalim ng sistemang ito, ayon kay Philippine Ambassador to South Korea Maria Theresa Dizon-De Vega, mabibigyan ng pagkakataon ang isang trabahante na magkaroon ng panibagong kontrata na mas mahaba kumpara sa naunang kontrata.
Sa kabila nito, kailangan pang i-assess kung deserve ba o nararapat na mabigyan ng mas mahaba pang kontrata ang isang manggagawa.
Ayon pa sa PH envoy, isa sa tinitignan ding requirements ay ang language proficiency o pagiging matatas sa lingwahe ng SoKor.
Nasa mahigit kalahati ng tinatayang 63,000 Pilipinong manggagawa sa South Korea ang napaulat na saklaw sa naturang programa.
Maliban pa sa factory workers, pinaplano din ng South Korea na mag-hire ng domestic workers mula sa Pilipinas na inaasahang magbubukas sa pamamagitan ng pilot study sa mga susunod na buwan.