Nagpatawag ng emergency meeting ang pamahalaan ng Pransya nitong Martes upang tugunan ang lumalalang problema sa surot.
Ang pagtitipon sa Miyerkules at Biyernes ay bunsod ng dumaraming ulat ng mga mamamayan na may surot sa mga tren, sinehan at mga paaralan. Nakitaan rin ng mga surot ang Charles De Gaulle Airport sa Paris.
Bukod sa pagiging isang suliranin sa kalusugan, apektado rin ng mga naglipanang surot ang pagdaraos ng Rugby World Cup sa bansa pati na ang Paris Olympics sa susunod na taon.
Inaasahang daragsa ang maraming atleta at panatiko mula sa iba-ibang bansa upang lumahok sa Olympics kaya malaking kahihiyan sa pamahalaan at sa mga Pranses kung makakagat ng mga surot ang mga bisita.
Ayon sa transport ministry ng Pransya, kakausapin ni Minister Clement Beaune ang mga grupo ng pasahero at transportasyon upang ma-estima kung gaano kalala ang krisis sa surot at magkasundo ng mga hakbangin.
“Nais naming maproteksyunan ang mga manlalakbay,” pahayag ni Beaune.
Pinahayag rin ng namumunong partido na magpapasa sila ng batas sa Disyembre tungkol sa pagpuksa ng mga surot.
Sinabi ng mambabatas na si Bruno Studer na kailangang mabilang ang dami ng surot mula 2019 upang malaman kung dumarami ang mga insektong sumisipsip ng dugo ng mga nakakagat nito.
Nanawagan naman ang minister ng health na si Aurelien Rousseau sa publiko na huwag mag-panic.
Bukod sa mga higaan, nagtatago ang mga surot sa mga damit at bagahe. Lumalabas ang mga insekto sa gabi upang kumain ng dugo ng tao.
Ang kagat ng surot ay nagdudulot ng blister o rash sa balat, pangangati at allergy. Nagdudulot rin ito ng distress, problema sa pagtulog, pag-aalala at depresyon. Ni WG