Nagkaroon na ng motorcycle lanes sa mga daan sa Metro Manila. Kasunod nito ay naglagay rin ng bicycle lanes para naman sa mga nagbibisikleta. At dahil matagal nang may lanes para rin sa mga motorista, kulang na lang ay ang pedestrian lane.
Bakit hindi?
Dahil wala nang madaanan ang mga naglalakad na tao sa mga bangketang sinakop na ng samu’t saring obstruction, at inutil ang mga opisyal ng mga barangay, lungsod, bayan at maging ng pamahalaang nasyunal na tanggalin ang mga nakaharang dito, siguro naman ay dapat ding mabigyan ang mga pedestrian ng sarili nilang lane para naman patas ang laban. Tutal, dahil naglalakad na rin lang ang mga pedestrian sa mismong kalye dahil wala nang madaanang bangketa, makatarungan na mabigayan din sila ng sariling lane.
Hindi biro-biro ang hindi makagamit ng bangketa. Peligro ang daan para sa mga naglalakad dahil masasagasaan sila. Ilang mamamayan na ang hindi nakauwi ng buhay dahil napilitang maglakad sa daan imbes na sa bangketa at tinamaan ng rumaragasang sasakyan.
Magaling ang mga nakaisip ng lanes para sa mga nagmomotorsiklo at nagbibisikleta.
At dahil hindi sila makaisip ng paraan upang panatilihing nalalakaran ang mga bangketa, siguro naman ay hindi nila ipagdadamot na bigyan rin ng sariling lane sa daan ang mga naglalakad.
Ngayon, kung iisipin nila na kalokohan na magdagdag pa ng pedestrian lane dahil wala nang espasyo sa daan para dito, panahon na para magbitiw silang lahat sa pwesto dahil sa dereliction of duty.
Buwang lang kung iisipin nilang sa mismong daan maglagay ng pedestrian lane, katabi ng motorcycle o bicycle lane. Ibig lang sabihin nito ay hindi na nila nakikita ang bangketa na kailangan lang bawiin sa mga nagtitinda at nakaparadang sasakyan.
Ang bangketa ang mismong pedestrian lane at marapat lang na gamitin ito ng mga naglalakad, hindi ng mga nagtitinda at gustong pumarada.
Opkors, may karapatan din ang mga nagtitinda at gustong pumarada. Kung pagbibigyan sila, palaisipan kung paano sila magkakaroon ng sarili nilang lane sa daan.
Dapat nating tandaan na ang mga mananakop ay tinataboy. Sa mga mananakop ng mga bangketa, huwag na nilang hintayin na itaboy sila at ibalik na ang para sa mga naglalakad para sa kaligtasan ng lahat.
Kung sinasabi sa karatula ng Metropolitan Manila Development Authority sa mga island na “huwag tumawid, may namatay na dito,” ang bangketa naman ay buhay para sa mga naglakakad.