Ang mga katkatera, buong-buo ang pananalig na tablado na talaga ni Xian Lim ang Chinita Princess Kim Chiu kasi nga, hindi ito tumayo bilang escort ng fashionistang dalaga sa katatapos na ABSCBN Ball.
Mas inuna pa nito ang magpunta sa India para mag-motor bike. Kaloka, mas mahal pa ni Alexander Xian ang kanyang motor kesa kay Kimberly Sue, huh! May chika pang dagdag na kaya wala si Lim sa payanig, true nga kaya ang nasaliksik ng pangkat katkatera eh diumano may kondisyon na bayad muna appearance fee para dumalo si Lim sa kaganapan? Aray!
Sundot pa mula sa pangkat K, bakit si Julia Barretto na pareho rin naman ang pamunuan tulad kay ginoong Lim eh nakadalo? Kay Baretto kaya may ganun ring drama o wala?
Wala namang pakialam si Kim sa mga sitsit dahil malagiyang-maligaya ito sa mga positibong papering kanyang tinanggap sa preview ng “Linlang” kung saan si Juliana, ang kanyang katauhan, na nagsimula bilang matiising asawa , matapos ang ilang taon, naging mapusok, mapangahas at sadyang maharot.
Talagang binasag ni Chiu ang kanyang crystal comfort zone kasi nga sa love scene nila ni Victor, ang pangalan ng katauhan ni Paulo Avelino na siyang gumaganap na kanyang asawa, palaban sa laplapan si Kim. May mga pagtaas pa ng mga hita at binti habang nakapatong ang mag ito sa balikat ng kanyang Victor at may bahagi pa sa tasteful lampungan na umibabaw siya kay Avelino. Iba rin ang commitment para bigyang hustisya ang katauhan niyang babaing may ginagawang kababalaghan.
All woman na talaga ang atake ni Chiu bilang si Lian at kahanga-hanga ang kanyang tapang para ipakita sa lahat ang kanyang pagka-aktres na talaga namang nagtagumpay siya.
Sa dalawang episodes na ipinapanood sa press, leaps and bounds ang husay at galing ni Kimberly Sue. Kahanga-hanga talaga siya.
Ang isa pang tunay na kahanga-hanga, si Paulo Avelino na ang turing ng kanilang direktor ay pinaka-mahusay na aktor ng kanyang henerasyon. Maliban sa pisikal na pagbabago, nagpabigote at balbas, tumaba nung ang kanyang matauhang si Victor ay umuwi bilang seaman, at nung panahong lean na lean siya bilang boksingero, grabe ang iba’t-ibang emosyong ipinapakita ni Paulo. Damang-dama at masisilayan sa kanyang mga mata ang pagtataka, pagsusumamo, poot at suklam, nasa na makapaghiganti at sa totoo, lalaking-lalaki ang kanyang mga panaghoy at mga simpleng pag lagaslas ng mga luha.
Yung mga confrontation scene nila ni Kim, ang emotional commitment at truthfulness nilang dalawa, maalala mo ang brillo at chemistry nina Christopher de Leon at Vilma Santos sa Ishamel Bernal classic na “Broken Marriage”.
Kaabang-abang rin dito si JM de Guzman na tiyak na magpapakulo ng mga dugo ang katauhan niyang sa wikang Ingles ay “wolf in sheep’s clothing”.
Sa Oktubre 5, sa Prime Video, hatinggabi, magsisimula ang pagtatanghal ng “Linlang”. May 14 episodes ito at tuwing alas-12 ng gabi, palagiang 2 episodes ang mapapanood.