Ilang mga guro ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa K-12 basic education program ng pamahalaan base umano sa isang survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) nitong nakaraan.
Pero ayon kay Teacher’s Dignity Coalition (TDC) chairperson Benjo Basas, hindi na umano nila ikinagulat ang resulta ng survey na lumabas nitong Lunes kung saan nasa 16 porsiyento lang ng 1,500 respondents ang “very satisfied” at 20 porsiyento ang medyo nasiyahan sa K-12 basic education program.
“Parang expected na po natin ‘yan kasi nakita naman natin even doon sa mga studies ng thinktank groups [‘yung ganiyang resulta] kaya masasabing hindi naging maayos ‘yung K-12 program. Even sa Department of Education (DepEd), at some point, may admission na [the program is] a failure kasi nakita naman natin na ‘yung promises ng ating K-12 program ay hindi na-fulfill ng ating gobyerno,” saad ni Basas isang panayam sa radyo.
Dagdag pa niya, ang mga ipinangako umano ng gobyerno noon na pagtaas sa employability ng mga studyante, paghahanda sa kolehiyo, at paghabol sa global competitiveness, ay hindi umano nakamit ng bansa.
“May mga nagsasabi na ibalik na lang sa 10-year basic education cycle pero para naman tayong paatras din pag ginawa ‘yun. Ngunit hindi rin natin masisisi ang mga nagsasabi niyan lalo na ‘yung mga kababayan natin na nasa mahirap na kalagayan dahil ‘yan ‘yung nakita nila na dahilan kung bakit sumadsad ‘yung education system natin,” sabi ni Basas.
“Ang issue po dito ay dinagdagan mo lang ‘yung taon pero ‘di naman nadagdagan ‘yung karunungan ng mga bata so might as well ibalik na lang sa 10-year education cycle. Ganoon po ‘yung nagpe-prevail na sentiment ng marami sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Kung matatandaan, nauna nang sinabi ng DepEd na pinag-aaralan na nito ang panawagan na ibalik ang academic calendar mula June hanggang March na hinahangad din ng ilang grupo dahil sa matinding init sa mga silid-aralan sa panahon ng tag-araw.