Iniulat ng mga otoridad nitong Martes na isang lolo ang namatay matapos itong magulungan ng isang cement mixer truck sa Caloocan City Lunes ng hapon.
Base sa imbestigasyon, patawid na umano ang biktima na kinilalang si Rodolfo Sta. Rita na residente ng Caloocan City sa Almar Zabarte Road alas-2:15 ng hapon at naglalakad siya sa pagitan ng isang jeep at mixer truck, at puno rin ang kalsada ng mga motorsiklong umaandar.
Halos dikit ang lalaki sa tapat ng mixer truck bago siya tuluyang nabangga at nagulungan, na kaniyang ikinasawi.
Musikero ang biktima at tumutugtog sa ilang events sa kanilang lugar, ayon sa anak.
Umalis lang umano ng bahay si Sta. Rita para sana kausapin ang isang kaibigan para sa gig na kaniyang pupuntahan nang mangyari ang insidente.
“May ka-deal po sana siya na tugtog… Hindi pa po siya pauwi, papunta pa lang po siya tapos nasagasaan na nga po,” sabi ng anak na si Maricriss.
Naulila ni Sta. Rita ang 5 anak at 20 apo.
Ayon sa truck driver, pabalik na sana siya ng Pulilan, Bulacan matapos mag-deliver ng semento sa Barangay 175 at iginiit niyang hindi niya sinasadya ang nangyari.
“Naka-red light po kaya tumigil na ako, in-open ko po ‘yong kantong maraming tao, in-open ko po. Tapos noong nag-green [light] na po, umabante na ako tapos hindi ko namalayan natamaan ko na,” anang driver.
Desidido ang pamilya Sta. Rita na kasuhan ang driver.
Nanawagan din sila ng tulong pinansiyal para sa pagpapalibing sa kanilang ama.
Ayon kasi kay Maricriss, hindi sapat ang unang alok na danyos ng employer ng truck driver.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang kompanya ng driver hinggil sa nangyari.
Nasa kustodiya naman ng Caloocan traffic unit ang driver ng truck, na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.